PANIMULANG SALITA
Ang buhay ng tao’y punung-puno ng talinhaga, hiwaga at karanasang nagpapatibay sa kaniyang pagkatao. Ang pag-ibig sa Diyos at sa kapwa ang siyang nangingibabaw sa damdamin ng isang tao habang tinatahak ang landas ng buhay. May mga pagkakataong nagkakamali ang bawat isa sa atin subalit naitutuwid kapag nananaig ang salitang pag-ibig.
Ang napapaloob sa mga tula na ito ay mga karanasang pangkaraniwan nating nakikita sa araw-araw na pamumuhay subalit nagsisilbing moog upang pagtibayin ang dibdib at harapin ang mga suliraning dadaan sa ating buhay. Pag-asa….lahat tayo ay may pag-asa….pagkatok sa pintuan ng Panginoon ay mag-aalis ng tanikalang umaalipin sa ating katauhan. Hindi masamang tumanggap ng pagkakamali, lahat ay nagkakamali. Ang mahalaga ay ang tunay na pagtitika upang maibsan ang bigat ng damdaming dinadala…ng puso at ng kaluluwa.
Ang tagumpay ng bawat tao ay nakakamit sa paggawa ng kabutihan sa kapwa sa dahilang ang magmahal sa kapwang naghihirap at sakbibi ng kalungkutan ay maihahambing sa walang katapusang pagmamahal sa Diyos.
Tayo na at limi-limiin ang lahat.
(Nagmula ang panimulang salita na ito sa aklat ng mga tula na nagngangalang “Mga Madamdaming Tula ng Buhay ni Doc DJ”)

BUKAS PALAD AKING AMA
June 14, 2025
I
Anuman ang ipapataw sa kasalanang ginawa
Ay dagli kong tatanggapin, bukas palad aking Ama
Isipan ma’y nagkamali sa mata ng ating madla
Buong pusong pagsisi sa puso ko ay tumudla
II
Ako’y taong kung minsan ay nahuhulog sa putikan
Habang tinatawid itong pilapil ng ating buhay
Minsan nama’y nahuhulog sa balon ng kasalanan
Subalit ang pagbangon ay nakatimo sa isipan
III
Ang tao’y nagkakamali sa isipan at sa gawa
Dahil na rin sa tuksong ang ninanais ay masama
Kahinaa’y nananaig, katawan ay nanghihina
Ngunit sa pitak ng puso, kabutiha’y nagmumula
IV
Ang tapat na pagsisisi’y hindi hadlang sa pad-usad
Nitong mundong ang hangad ay magbahagi ng patawad
Suliraning umukilkil sumisirang sagad-sagad
Katauhang sa simula, kabutiha’y lumiliyag
V
Tutubusin ng panahon ang anumang mangyayari
Katapusan nitong mundo sa isipa’y h’wag isagi
Mataos na pagtitika, pagsisisi’y di pa huli
Ang D’yos ang s’yang aalalay nang may saya at may ngiti

KAPUS-PALAD
June 15, 2025
I
Ako’y isang kapus-palad na salat sa karangyaan
Mahirap nang ‘pinanganak magulang ay di nag-aral
Mga damit ay tila ba sa sahig ay pamunasan
Hitsura’y nanggigitata at palaboy sa lansangan.
II
Pagkain ay di minithi dahil na rin sa kawalan
Halos isang beses na lang kung kumain araw-araw
Mga mata’y nakalubog, mga ngipi’y naninilaw
Mga labi’y nanunuyo,
pawis ay may alingasaw
III
‘Yan ang larawan ng isang kapus-palad sa lipunan
Nakakalunos na tingnan ang sit’wasyong kinalagyan
Ito ba’y nagpapakita inutil na pamunuan
Ng gobyernong nagkulang sa pag-angat ng kabuhayan
IV
Pagnanakaw, pag-iimbot sa isip ay nakatatak
Mga taong unti-unting ang buhay ay winawasak
Sinisikil ang balana upang magkawatak-watak
Pinairal ang pagtakot, impluwensa’y
sobrang lawak
V
Hanggang kailan magtitimpi ang bayan na naghihirap
Sa gapos na nagsisilbing tanikalang nagaganap
Ang salop ba ay aapaw upang araw ay sisikat
O paghilab ng bigas ay di pa rin magiging sapat
VI
Panahong ang kapus-palad, dumarami sa ‘ting bayan
Kailan kaya matitigil panloloko sa lipunan
Ng kawatang nagtatago, balabal ng kabutihan
Subalit sa bandang huli, ang huhusga’y karamihan

ANG MAPALAD
June 16, 2025
I
Sa pag-inog nitong mundo, kapalara’y ‘tinalaga
Bawat tao’y nagtataglay ligayang matatamasa
Subalit kong susuwayin pagmamahal sa ‘ting kapwa
Ang lahat ng aasaha’y maglalahong parang bula
II
Mapalad ang mga taong mayro’ng t’yaga at may sipag
Sa dahilang kumakaway ang bukas na nakalatag
Mga taong umaasa sa pagsumamo ng habag
Ay mistulang magtitiis at ang swerte ay iilag
III
Pagsisikhay ay may dalang kagandahan n’yaring bukas
Ang pintuan ng pag-asa’y unti-unti ay bibigkas
Ng katagang sana naman ay hindi na magwawakas
Ang kundisyon nitong buhay, tumatamasa nang wagas
IV
Subalit kung lilimiin, materyal na inuungkat
Hindi dito nagtatapos ang maayos na pag-unlad
Dapat lamang ibahagi ang yaman na nagpaangat
Pagmamahal sa kapwa ay may timbang na sakdal bigat
V
Lahat tayo ay mapalad, pagmamahal ng Maykapal
At wala ng hihigit pa sa haplos ng Kanyang Kamay
Anuman ang kapalarang sa atin ay naghihintay
Atin na ring makakamit, pag-ibig na dinuduyan

SAWIMPALAD
June 16, 2025
I
Ang pag-ibig na inalay minsan ay may kabiguan
Hindi lahat ay sintamis ng pulot na inialay
Sawimpalad kung ituring ang puso kong nagmamahal
May liwanag pa bang sa ‘ki’y sisikat sa kalangitan
II
Noong una’y akala ko’y ako’y iyong tinatangi
Dahil na rin sa tamis ng mga titig at ‘yong ngiti
Subalit sa kalauna’y nagbago ang ‘yong sarili
Nabaling ang ‘yong pagtingin, pag-ibig mo’y itinanggi
III
Hindi ako makabangon sa putik ng kalungkutan
Halos ako ay nalugmok, kumunoy ng kabiguan
Ako kaya’y ‘tinadhana, inangkin ng kasawian
At sa dagat ng pighati’y malulunod nang tuluyan
IV
Ngunit habang humihinga, ang pag-asa’y matatanaw
Kung may bintanang nagsara, sa pintua’y may susungaw
Nagliliyab na pag-ibig upang puso ay gagalaw
Ititibok ang pagliyag, ang pagsuyo’y isisigaw...

MARYANG PALAD
June 17, 2025
I
Sa palad nagsisimula kaunlaran nitong buhay
Ang paltos na lumilitaw sa palad ay tumutunghay
Paulit-ulit na gawa’y kalyo ang s’yang binibigay
Mayro’n pa bang gagaling sa palad nitong ating kamay
II
Sa simula’y di marunong itong palad na gumawa
Ng bagay na minimithi upang buhay, guminhawa
Ngunit dahil sa pagtuklas sa panahong nag-iisa
Palad pala ang solusyon, suliraning dinadala
III
Maryang Palad, kay sipag mo, kaliwa man o sa kanan
Walang araw na hindi ka ginagamit kahit saan
At kahit sa pagtulog mo, nakadantay sa ‘yong unan
Gumagalaw pa rin ang ‘yong damdamin at ‘yong isipan
IV
Marami ang nagsasabing ikaw Marya ay palalo
Konting galaw ang isip mo’y palagiang naglalaro
Kung minsan ay dumarating katawan ay inabuso
Araw-gabi sa isip mo ikaw ay magtratrabaho
V
Ang sobra ay sisikilin hindi dapat magpadala
Kaya dapat ikaw Marya, sana nama’y magpahinga
Ng gawaing lagi na lang nag-aalab, nagbabaga
Nang sa gayon sa pagtanda, Maryang Palad, titigil na
Ang featured photo sa header ay mga kamay ng pag-asa and pag-aruga (lahat ng photos ay galing sa Canva).
About the author

RONALDO R. DE JESUS, MD “Doc DJ” is a practicing General Surgeon. His busy clinic is in Daet, Camarines Norte. He is married to Marlene Adanzo Asis. Their only daughter, Mareeya Rona, also a doctor who trained in Aesthetic Medicine, is now active in the family medical practice. He was born in Labo and finished his elementary and high school education at St. John the Apostle Academy in the town. He went to college at the University of Santo Tomas where he also completed his degree in medicine. He did his post graduate internship at the Capitol Medical Center in Quezon City, passed the bar in 1982 and completed his residency training at the Bicol Medical Center in Naga City. He began writing poetry in Pilipino in 2015 and shared his poems on his Facebook page which gained popularity among friends and family.
