Tungkol sa Aklat
“Mula sa pambungad na tula na “El Niño” hanggang sa huling tula na “Ang mga iniwan ng baha,” sinisiyasat ni Tabinas ang tubig na tumatahan at nagbibigay kulay sa ating buhay, mula sa tanawin at bukid sa unang bahagi hanggang sa baha at mga kalamidad na dala nito sa ikalawang bahagi ng koleksyon. Iginagalang niya ang integridad ng tubig sa pamamagitan ng pagbibigay nito ng puwang na maging tubig mismo. Bukod dito, binabakas ni Tabinas ang materyal na arko mula sa mga iba’t ibang karanasan ng tag-araw hanggang sa di mapigilang delubyo ay bumubuo ng isa sa mga mahalagang paggalugad ng tubig sa tula. Itinatatag niya ang mga lakas nito at naiintindihan kung paano tayo itinatali nito sa mundo at sa ibayo pa. Binago ni Tabinas ang karanasan ng tubig sa kanilang sariling maningning na buhay. Ang kanyang mga tula ay nagmumungkahi ng katotohanan ng kung ano sa sining ay talagang nakakaharap natin ngunit ang materyalidad ng tubig. Kung tutuusin, kailangan ng sining upang mailabas ang katubigan ng tubig. Ang kanyang pakiramdam ng tubig ay nagsasama sa kanyang kahulugan ng mga salita bilang materyal ng mga tula – hinahalo ang pagkakahati sa pagitan ng pangngalan at pandiwa. Kaya’t ang mga masalimuot na pagkalikhang tula tungkol sa danas ng tubig mismo ay sumasalamin sa detalyadong istraktura ng tubig na kanilang inilalarawan, isang dobleng pagkilos ng pagiging nakapaloob sa sarili ngunit nakasalig sa tanawin ng totoong mundo at umaabot sa kawalang-hanggan.”
– Para sa Madrigal Gonzalez Best First Book Award 2022, ang citation na ito ay sinulat ni Dr. Hope Sabanpan-Yu, Director ng Cebuano Studies Center, Univ. of San Carlos
Ang mga baitang ng hagdan
Sa ikalawang palapag, ang mga lumikas.
Yakap ng mga magulang ang mga anak.
Paminsan-minsan, ikinikiskis
ang dalawang palad at idinadantay
sa magkabilang tainga.
Yakap-yakap ang mga sariling
nanunuot sa lamig ng magdamag,
nakamulagat ang mga matang puyat,
nakatitig sa dilim.
Naiipon ang guni-guni ng bawat isa
sa unti-unting pagsampa ng tubig,
iniisa-isang akyatin ang bawat baitang.
Matagal na silang naghihintay, hindi
mapakali. Nang maisipang tingnan
ang tubig, nagsiksikan sa likod ng pinto.
Pagbukas, ang pagguhit ng ilaw ng flashlight,
ang pagkaaninaw sa tubig:
Wala nang susunod na baitang—

nanunuot sa lamig ng magdamag (image generated by Copilot)
Unang madarama ang hindi pagkaunawa sa pagkawasak
Sa murang gulang, lulukubin ka
ng panghihinayang at lungkot na hindi pa mabuo
ng bibig ang itutumbas na mga salita.
Pilit gagagapin ng namimilog na mga mata.
Maaalala ang mga sandali ng pagbubungkal
sa lupa gamit ang laruang plastik na pala,
ang pagtundos ng isang tangkay ng rosas,
ang pagpalibot ng lupa at pagdiin para tumayo.
Nakangiting tinunghayan ang sariling likha.
Ang pagdilig araw-araw gamit ang plastik na strainer,
pinanulay ang tubig sa mga dahon at tangkay.
Sinaksihan ang pagkalagas ng mga natuyong dahon
para lang sulputan ng mga buko.
Na kinalauna’y nagkasanga, nagkadahon, at yumabong.
Sumipot ang mga unang bulaklak
at ikinatuwa ang tingkad ng pagkakaiba ng berde’t pula.
Na pagkaraan ng mga bagyo,
ang parehong bagay ang magbibigay sa ‘yo
ng panghihinayang at lungkot
sa katiyakan ng paulit-ulit na pagkawasak.

Tatlong kasabihang lasing
1. Semi-dwarf rice
Mula walang biring ginto
hanggang magkaginto-ginto,
di kailangang palalo
o di kaya’y palasuko:
wala na ‘kong iyuyuko.
2.
Nang papalaki’y sa init
binansot at niluto.
Nang magkaginto-ginto,
saka sa tubig binuro.
3.
Kapag ginto na’y
naging bato pa,
tiyak, binagyo.

Ang mga iniwan ng baha
mga aparador
na hindi na naglalapat ang mga pinto
mga baso’t tasang
nagsatsokolate sa putik
mga kumot, tuwalya, at damit
na naging basahan
radyo at telebisyong
hindi na muling mabubuksan at tutunog
mga librong
humilab sa pagkabasa
mga sertipikong
pinirmahan ng tubig
mga litratong
nagdikit-dikit sa naaagnas na mga imahen
dingding
na may guhit ng natuyong tubig na hindi na mabubura
Tungkol sa makata

Awtor si JASON TABINAS ng Ang mga iniiwan ng tubig (Ateneo University Press, 2020) at Ilang segundo ng pag-asa at pagkabigo (Aklat Ulagad, 2023). Lumabas ang marami pa niyang tula at kuwento sa High Chair, Likhaan, Philippines Free Press, atbp.
Kinilala ang kanyang mga tula sa Gawad Bienvenido Lumbera (2023, 2022), Madrigal Gonzalez Best First Book Award (2022), Carlos Palanca Memorial Awards for Literature (2017), Maningning Miclat Poetry Award (2013), at Loyola Schools Award for the Arts in Creative Writing (2008). Naging bahagi siya ng iba’t ibang writing workshops kabilang na ang 16th Iligan (2009), 13th Ateneo Heights (2007), 2nd Juliana Arejola-Fajardo (2005), at 5th Iyas (2005).
