Ang tulang “Eroplanong Papel” ay lumabas sa unang aklat ng mga tula ni Kerima Lorena Tariman (BIYAHE, published by Phil. High School for the Arts, 1996) na siya ring thesis niya nang siya ay nagtapos sa Philippine High School for the Arts bilang Creative Writing scholar noong siya ay 16 ang gulang. Isinama rin ito sa aklat SA AKING HENERASYON: Mga Tula at Saling-Tula (published by Gantala Press, 2022). Isa ito sa mga kinikilalang tula ni Kerima dahil sa paghugis niya ng hagkis na inilapat sa laro at sa mismong tula. Nagmula ito sa FB post ni Merlita Lorena Tariman, ang mahal niyang ina. Basahin natin ito uli bilang pag-alaala sa kanyang kaarawan. Isinilang si Kerima noong 29 Mayo, 1979 sa Legazpi City at namatay noong 20 Agosto, 2021 sa Silay, Negros Occidental.

EROPLANONG PAPEL
Ni Kerima Lorena Tariman
At kung sana kaya ko ring lumipad katulad mo,
Parang eroplanong papel na iniitsa na lang,
Eroplanong lilipad na kasama ng sangsang,
Patungo sa nakikita mong pag-unlad nga ba nino?
At kung sana alam kong talaga ang tuntunin ng laro,
Hindi na ako papayag na minsan ka pang (l)umutang,
Para ipasubo ako, pira-pirasuhin, ihain nang buo.
At kung sana, isa akong eroplanong papel,
Hindi ko na kailangang makulong sa tipong 'to ng tula,
At hindi ko na kailangang pag-isipan ang tamang tugmaan.
At kung lilipad ako sa kalawakang kahel,
Nang hindi na nakatali at ganap nang malaya,
Hinding-hindi na ako gagawa ng sonetong Petrarchan.
Ang header image ay isinagawa gamit ang image generator ng Copilot.
Tungkol sa makata

Si Kerima Lorena Tariman ay nagtapos sa Philippine High School for the Arts (PHSA) bilang salutatorian noong 1996. Isa siyang scholar sa creative writing. Ang mga tula niya ay nanalo sa mga poetry competitions noong siya ay nasa University of the Philippines Diliman, Philippine Studies program. Ang mga tula niya ay lumabas din sa Sunday Inquirer Magazine, Manila Chronicle at Diyaryo Filipino. Noong siya ay poetry fellow sa UP National Writers Workshop, ang mga kuwento at tula na sinulat niya ay lumabas din sa mga anthologies ng UP Creative Writing Center. Si Kerima ay naging Managing Editor ng UP Collegian, ang official student publication ng UP Diliman.
Nakilala niya si Ericson Acosta na naging asawa niya noong sila ay nasa UP Diliman. Sila ay sumapi sa himagsikan noong 2000 at na-detain si Kerima sa Ilagan, Isabela dahil sa illegal firearms possession, ngunit ang kaso as na-dismiss noong 2001. Naging bahagi sila ng kilusan ng mga magsasaka sa Negros. Napaslang siya sa isang engkuentro ng mga New People’s Army rebels at sundalo ng gobierno sa Barangay Kapitan Ramon, Silay City, Negros Occidental, noong 20 Agosto, 2021. Mayroon siyang anak kay Ericson na 18 ang gulang noong siya ay pumanaw. Si Ericson naman ay napatay din ng Philippine army troops noong 30 November 2022 sa Kabankalan City, Negros Occidental. Si Kerima ay anak ni Pablo A. Tariman, isang manunulat at makata, at ni Merlita Lorena Tariman, makata sa salitang Bikol, Filipino at English, journalist, NGO advocate, ng Daraga, Albay. (Reference: NegrosDigicast.com)
