Nang sinulat ko ang librong “60ZENS: Tips for Senior Citizenship” ay nagsaliksik ako sa buhay ng mga retirado sa trabaho. Ito ang ilang napulot ko:

- Pagretiro? Wala namang masyadong pagkakaiba kaysa dati. Noon lang sa office, oras-oras tatawagin ako ng Boss ko. Ngayon, oras-oras tatawagin ako ng asawa ko. Pareho utos, puro utos. Minsan gusto ko nang tawagin na ako ng Dakilang Bossing, para makapagpahinga na nang tuluyan.
- Ngayong nasa bahay na lang ako, masarap palang kalaro ang mga apo. Kaya lang Lola nila ang malimit naghahanap ng kalaro.
- Di baleng may mga umiikli na, halimbawa ang pasensya at ang mga biyahe. Marami pa akong gustong puntahan pero pinagbabawalan na akong mag maneho. Ang humahaba ay ang oras ng pagtulog.
- Ang pagretiro, katulad ng pagtanda at pagkamatay, alam ko na tiyak na darating iyan. Pero aywan kung bakit noong malayo pa ay hindi ko pinaghandaan. Parang gusto ko pang magpatuloy magtrabaho, pero marami nang mga bata na sa tingin ng management ay mas magaling at mas mabilis sa akin.
- Hindi naman pala bumibilis ang takbo ng panahon pag tumanda ka. Ang totoo, tapos na ang paghahabol ko sa oras. Noon, palaging kapos ang oras para sa opisina, sa pamilya, sa mga anak at sa mga barkada. Ngayon, sarili ko na ang oras—na malimit maubos sa kuyakoy sa rocking chair.
- Dati, maraming nag-aalok sa akin ng investment plan, house and lot, car at housing loan, at college assurance plan. Ngayon ang malimit nang ialok sa akin ay memorial plan.
- Kung ayaw kong makinig, nagkukunwari akong di ko naririnig. Simulang magkunwari akong bingi, ang mga kapamilya ko at matatalik na kaibigan ay hindi na nag-aalangang pag-usapan ako kahit malapit ako. Alam ko na ngayon kung sino ang may totoong malasakit sa akin, ang may interes lamang sa mamanahin, ang galit, ang may hinanakit, at ang gusto na akong mamatay. Ilang ulit ko nang binago ang aking last will and testament.
- Wala nang nagsasabing hilaw ako sa anumang bagay. Kaya lang, kapag inisip mong hinog ka na, magsisimula ka nang mabulok.
- Sa dinami-dami ng pangarap ko noong bata pa at nagtatrabaho ako, kung bakit wala na akong maalala ngayong matanda na ako at retirado. May mga pangarap na naluluma rin, halimbawa, iyong ka-opisina kong maganda, na noong araw ay gusto kong habol-habulin pero kay-ilap naman. Ngayon, pag nakikita ko, kahit siya pa ang lumapit sa akin, ay baka ako naman ang umiwas…kulubot na, ay!
- Hindi naman ako nag-opisina, kahit noon. May sarili akong negosyo. Sabi ko talaga sa sarili, pagdating ko ng sisenta, magreretiro na ako. Bahala na ang anak kong magpatuloy sa negosyo. Ganoon nga ang nangyari. Pagkaraan ng isang taon, nagulat ako sa inilaki ng negosyo simula nang mawala ako. Kung di ako nagretiro, di ko malalamang mas magaling pala sa akin magpatakbo ng negosyo ang anak ko.
- Kapag nagretiro ka na, saka ka magigising sa katotohanang marami ka pa palang hindi natutuhan. Pero okay lang, hindi mo naman talaga matututuhan lahat. Ang importante ay may natutuhan ka doon sa maliit na bagay na ginawa mo.
- Nang nasa bahay na lang ako, at wala na nga si Misis, saka ko nakilala ang kapitbahay kong biyuda. Ngayon, as Jesus says: I love my neighbor as myself.
- Mahigit 40 years akong titser ng mga bata sa elementary. Kunsumido akong palagi sa mga batang malilikot, mapurol ang ulo at panay laro ang nasa isip. Ngayon ay retirado na ako at mga apo na ang palaging kasama ko. Ngayon ko naa-appreciate ang kanilang kalikutan.
- Pag nagretiro ka, puwede mo nang i-give-up ang sex, pero hindi ang salamin sa mata. Kung di ako maihi, hindi ko malalaman kung saan sa kagubatan nagtatago si Pedro.
- Ngayong sinapit ko na ang retirement age ko, ang dalangin ko na lang ay sana naman matagal-tagal pa bago datnan ng susunod at permanenteng retirement.
- Ngayong retirado na ako, wala nang magbu-bullshit sa akin. Kung hindi ko gustong kumilos, hindi ko kailangang kumilos. Except pag si Misis ang nag-utos.
- Pareho kami ng asawa ko nagtrabaho bago nagretire. Ako sa bangko at siya’y nagbenta ng insurance. Kaya ang mga anak namin ay lumaki sa mga yaya at katulong. Ngayon may kani-kaniya na silang trabaho at pamilya. Nang magretiro kami ay kami na lang uli ang natira sa bahay, katulad noong bago kaming kasal.
- Problema lang sa retirement, wala kang day-off. Walang time-off kahit ka nagkakape.
- Kakatwa, pagretire ko, ang pabaon sa akin ng opisina ay wristwatch—kung kailan di ko na kailangang bantayan ang oras.
- Ang sarap magretiro, nawala ang tension, pumalit ay pension!
- Problema lang sa pagretiro ay kung paano palilipasin ang panahon nang di ka gumagastos.
- Nang nagretiro ako si Misis ay pumapasok pa sa trabaho. Ako lang at ang katulong naiiwan sa bahay. Pagkaraan ng dalawang buwan, gumaganda na sa tingin ko ang katulong naming.
- Ang sarap gumising nang walang iniisip na trabaho, kaya nga apat o limang ulit ako gumigising araw araw.
- Nang magretiro ako at pumanaw na ang asawa ko ay may mga lumapit at nagtanong kung ang malaking bahay ko raw ay ibebenta ko na’t nag-iisa na lang ako sa buhay. Ang sabi ko, may mga anak pa ako, hiwalay nga lang sa akin. Sila na ang bahala kung sakaling sa wakas ay ilabas ako sa bahay nang nakahiga.
- Ang natutuhan ko sa pagtanda ay ito: Sa halip na makipagpaligsahan sa iba, makipagpaligsahan ka sa sarili mo, para sa ibayong ikagagaling mo.
- Minsan, di mo matiyak kung ang retirement ay reward o punishment.
- Kung kailan kabisado ko na lahat ng aspekto ng trabaho ay saka ako pinagretiro sa edad 60.
- Nang magretiro ako, ako na lahat gumagawa ng mga bagay na dati ipinag-uutos ko lang sa mga tao ko: pagkuha ng cedula, pag register ng sasakyan, pag renew ng driver’s license.
- Noon, sa kompanya namin ay mahigit 200 ang tao ko, panay Bossing ang tawag sa akin. Nang magretiro ako, ay lumiit ang mundo ko…ang tumatawag na lang ng Bossing sa akin ay ang nagrarasyon ng dyaryo at naghahasa ng kutsilyo.
SA DAPITHAPON NG BUHAY
Sa unang mga hakbang, naaalala mo ang andador noong nag-aaral ka pa lamang maglakad. Wala nang andador ngayon, walker na ang tawag ngayon sa andador. Kaya pakapit-kapit na lang sa mga gilid ng kama, mesa at aparador, hanggang makarating ng kubeta. Pag nakaupo na sa trono ay para kang si Odysseus na nakabalik sa sariling bayan, home sweet home. Humuhupa nang kaunti ang mga pananakit ng tuhod at balakang. Hihimas-himasin ang mga kalamnan, ang mga ugat, para dumaloy ang dugo. Pag tumayong muli, saka lamang parang nagbabalik ang lakas ng mga paa.

Malimit sa gabi ay nagigising kang puno ang pantog. Magkukumahog na bumangon, tatakbo patungong kubeta. Ang problema ay kung paano kaagad mahuhuli si Pedro sa gitna ng masukal na kagubatan. Kailangang umihi muna nang kaunti para makita kung saan may pumupulandit. Ganoon ang style ni Mr. Bean. Sa isa niyang episode sa TV, na dentista siya, may pasyenteng balot ng malagong balbas ang ibabang bahagi ng mukha, mas masukal pa sa Sherwood Forest. Hindi niya makita ang bibig. Pinagmumog muna niya ng tubig. Nang ibuga ang tubig ay sinalaksak niya ng hintuturo ang pinanggalingan ng tubig. Huli sa bunganga ang pasyente, parang nabingwit na dalag. Si Mr. Bean ba iyon o si Jerry Lewis? Iyan ang problema sa pagtanda, ang luma at bagong memorya ay naghahalo-halo. Hindi kaya ang dentista’y si Buster Keaton, ang komedyanteng hindi tumatawa?
Pagkatapos umihi, ipagpag man nang makasampong ulit si Pedro, may pupulandit pa rin kapag nasa loob na ng kalson-silyo. Parang may sumingaw na balbula, psssst! Parang nananadya. At siguro’y panay latak ang huling buga dahil pagkalinaw-linaw man ng ihi, ang huling pulandit ay parang orange juice pa rin ang mantsa sa kalson-silyo.
Pagtingin mo sa salamin, ang unang nakikita’y mga guhit sa mukha. Tadtad na ng dimple ang pisngi. Ang pa-kunsuelo-de-bobo ng mga nagmamalasakit ay dapat ipagmalaki ang mga guhit sa mukha dahil iyan daw ay tanda ng isang taong mayaman sa karanasan. Katibayan ng pinagdaanan sa buhay. Like scratches of pure leather. Nang huli kang magpahula, guhit sa mukha mo, hindi sa palad ang binasa ng fortune teller.
Masisilip mo sa salamin ang makinis mong noo at bumbunan, kasingkinis na ng runway ng Clark Field. Mabibilang na ang hibla ng buhok sa magkabilang gilid ng ulo, tila niyugan na inabot ng kadang-kadang. Mas marami pa ngayon ang buhok sa tainga, sa nguso, sa ilong (tutsang) at sa baba kaysa sa ulo. Kaya pag pinansin ang panot na ulo, ikinakatwiran mong hindi naman nalagas ang buhok, lumikas lang sa ibang bahagi ng ulo. Hindi mo naman masikmura na magsuot ng pustisong buhok, at kahit pagkaganda-ganda at pagkamahal-mahal ng pustisong buhok ay mukhang peluka pa rin. Minsang sinubukan mong sumukat ng pustisong buhok, pakiramdam mo’y may nakadapang kabayo sa bumbunan mo. Pagtingin mo sa salamin, para kang nakakita ng matandang Ivatan na nakasuot ng vakul.

Kung bakit naman mas masipag tumubo ang balbas sa nguso kaysa buhok sa ulo, kailangan tuloy mag-ahit araw-araw. Noong araw, may mga nagtatanong kung functional o ornamental ang balbas. Ngayon, ang balbas ay simpleng sagabal na lang.
Pagkatapos maghilamos, ang unang hahanapin ay ang ngipin sa baso. Hindi mo na kasama sa pagtulog ang ngipin. May romantikong kuwento ng matatanda: Gabi raw, habang nakahiga sa kama ang matandang mag-asawa, naging romantic si Misis, ang sabi, “Noong araw, palagi mong hinahawakan ang kamay ko.” Pinisil ni Mister ang kamay ni Misis pagkatapos ay tumalikod upang matulog. “Pagkatapos, hinahalikan mo ako,” dugtong ni Misis. Bumiling si Mister, hinalikan sa pisngi si Misis at muling tumalikod upang matulog. Mayamaya, sabi uli ni Misis, “Pagkatapos, medyo kinakagat mo ako sa leeg.” Biglang bumalikwas si Mister, inalis ang kumot, bumangon at naglakad patungo sa banyo. “Saan ka pupunta?” tanong ni Misis. Sagot ni Mister, nayayamot, “Kukunin ko’ng ngipin ko.” Ayon ang drawback. Isa pang disadvantage: Kung may ilabas na papapakin si Misis habang nasa kama, halimbawa ay mansanas, at natatakam ka, gusto mong kumagat ng mansanas ni Eva, kailangan mo pang bumangon para kunin ang ngipin.
Ang advantage nga lang ng nakapustiso, nakakasipol kahit nagsisipilyo. Pag nakalimutang isuot ang ngipin, kinakantyawan ka na nginunguya mo raw kahit ang clear soup.
Mas malimit nang kayakap sa pagtulog ang hot water bottle kaysa kay Misis. Ito na lang ang mainit na namamagitan sa inyo sa kama. Noong araw, kung gustong ganahan at mag-init, nanonood muna ng pelikulang bold, pero ngayon, mas mabilis pang mag-init kung sinusulit ang budget sa araw-araw na gastos. Noong araw, magagandang dalaga ang iniisip at napapanaginipan. Ngayon, bago matulog, ang iniisip ay kung saan inilagay ang maintenance pills. Nagtataka ka pa kung bakit sa halip na ang magandang doktora, ay ang mga reseta ang napapanaginipan.
About the author:

ABDON M. BALDE JR. is the Poet Laureate of Albay and presently the consultant for Cultural Affairs of Albay 2nd Congressional District under Rep. Joey Sarte Salceda. He served as Head of the Historical-Cultural Section of Albay and Komisyoner of the Komisyon sa Wikang Filipino.
He is active in leadership roles of writers organizations: Writers Union of the Philippines, Filipinas Copyright Licensing Society, Wika ng Kultura at Agham, Kabulig Bikol Writers Organization, and Albay Writers Group. He is a consultant of the National Bookstore.
He is a recipient of the 2012 Outstanding Albayano Artist Award for Literary Arts, the 2010 Ani ng Dangal Award, given the 2009 South East Asian Writers Award by the Royalty Thailand, the 2009 Bikol Regional Jesse Robredo Artist Award for Literary Arts and the Arejola Foundation Lifetime Achievement Award in Literature.
He has written and published 26 books, four of which won the National Book Awards. He wrote the libretto for “Sayaw kan Tulong Bulod” for the Daragang Magayon Festival and the dramaturgy of “Daragang Magayon, An Istorya ni Mayon” staged in CCP February 2013. He won the 2012 NCCA Writers Prize for “Ibalong, Pagbuo ng Epikong Bikol,” the 2003 Palanca Memorial Award for Literature and, in the same year, the “Rokyaw Ibalong Most Outstanding Bikol Award for Literature.”
He was born and raised in Busac, Oas, Albay by farmer parents. He studied in St. Michael Academy of Oas. He graduated with a civil engineering degree in Legazpi College, now University of Santo Tomas, Legazpi. He had a 33-year career in construction projects engineering before shifting to literature. He lives in Tiwi, Albay, with his wife, a daughter, a son, two grandsons, and three dogs.
