Mga Pangkalusugang Payo Para Sa Senior Citizens
Noong na-publish ang libro kong “60ZENS: Tips for Senior Citizenship” ay maraming senior citizen organization na nag-imbita sa akin upang ibahagi ang nilalaman ng libro. Pero isang organisasyon ay may specific na request: magbigay daw ako ng mga payo na pangkalusugan para sa mga senior citizen. Nagsaliksik ako. Hindi ko akalaing ang dami pala sa internet na libreng payo. Ang problema lang, kakaunti nang senior citizen ang marunong mag-surf sa internet o tumipa sa keyboard ng computer. Kaya heto ang ilang nahagilap ko, at isinalin sa Filipino:

- Kung sapat ang pangangalaga, ang katawan ng tao ay magtatagal nang habambuhay.
- Ang sikreto ng kalusugan ay iwan ang mesa nang gutom, ang kama na antok at ang bar na uhaw, pero hindi ka mag-eenjoy sa buhay mo. Madaling sabihin, mahirap gawin.
- Karamihan sa ipinapayo para sa kalusugan ay mga pagkaing walang lasa, inuming mapakla at gawain na nakakapagod.
- Kadalasan ang mabuting asal ay dahil lamang sa masamang pakiramdam. Pag lumakas na ay masungit na uli.
- Huwag isasakripisyo ang kalusugan sa paghahanap ng yaman dahil pagtanda mo ay mauubos din ang yaman sa pagpapanatili ng kalusugan.
- Ang pinakamabisang panghikayat sa pagpapanatili ng kalusugan ay ang taas ng gastos sa pagpapagamot.
- Makakaiwas ka sa alta presyon kung iiwasang kumain ng karne; pag sa gulay ka naman ay baka pesticides ang pumatay sa iyo.
- May problema ka sa kalusugan kung hindi ka makatulog hanggang sa oras na dapat ka nang gumising.
- Talasan ang pandinig at pakinggan ang sinasabi ng mga miyembro ng pamilya para alam mo kung sino ang matutuwa at sino ang malulungkot, kung sino ang pamamanahan at kung sino ang hindi kapag nalagutan ka ng hininga.
- Mag-ingat sa pag-inom ng kape; mabubulag ka pag nakaligtaan mong alisin sa cup ang kutsarita.
- Darating ka sa edad na lahat ay kukulubot at manlalambot at ang matigas na lang ay ang ulo.
- Di baling baluktot ang katawan basta matuwid ang isip. Ngunit madalas mabaluktot ang isip kapag naghahangad ng yaman at kapangyarihan.
- Tanging ang kalusugan ang yaman na hindi kinokolektahan ng buwis ng pamahalaan.
- Karamihan sa mga pampaganda, kung matanda ka na, ay nakakapagpakapal ng mukha at nakakapagpanipis ng pitaka. Iwasan mo na lang magtititingin sa mukha mo sa salamin.
- Kapag marunong kang mag-diet at mag-exercise ay mamamatay kang malusog ang iyong katawan.
- Humahaba ang buhay habang dumarami ang birthday; ngunit nakamamatay ang napakaraming birthday.
- Habang humahaba ang buhay ay pakaunti nang pakaunti ang kakilalang maglalamay at makikipaglibing sa iyo.
- Habang tumatanda ka ay mas lumalaki ang gastos mo sa gamot kaysa pagkain.
- Darating ka sa edad na hindi mo na alam ang kasunod ng mga sinasabi mo…tulad ngayon…
Mula Sa Bibig Ng Matatanda
Narito ang ilan pang nasaliksik ko na sinasabi ng matatanda tungkol sa kanilang kalagayan. Hindi lamang para sa matatanda ito, para rin sa mga bata na nag-aalaga ng matatanda—para malaman nila ang nasa isip ng kanilang inaalagaan.

- Hindi baleng kumulubot ang mukha, huwag lang ang puso. Hindi dapat tumanda ang puso. Kung nakakakita ako ng seksing usli ang dibdib ay lumulukso pa rin ang puso ko.
- Kumulubot ang mukha ko dahil malimit akong tumawa noong bata pa ako. Yong buwisit kong kapitbahay kumulubot ang mukha dahil palaging nakasimangot.
- Ang mga binibili kong gamit, alam kong hindi na maluluma. Ang suklay na binili ng asawa ko halimbawa, sa kilay ko na lang ginagamit.
- Wala nang kapusukan ng pagkabata. Ang paglalagalag, ang pagkayod para mabuhay, ang paghahanap ng eksperyensiya, history na lahat ‘yan. Ngayon endless ang panahon para mag-reminisce, maghimay ng mga recuerdo. Iyong mga naunsyaming pangarap? Wala na ‘yon. Tanggap ko na ang estado ko ngayon.
- Minsan ka lang maging bata, pero puwedeng irresponsable ka habambuhay. Sa kabilang dako naman, maitatanong mo kung ano na ang gagawin kung napakarami mong alam gawin pero hindi ka na makakilos.
- Ang hirap lang sa tumatanda nang ganito, iniwan na ako ng mga kaibigan ko, karamihan sa kanila ay patay na at ang mga natitira ay parang ganoon na rin. Minsan, may nagbabanta pa: “Sige, pahabain mo pa ang buhay mo at pag natigok ka, wala nang kaibigang maglalamay at maglilibing sa iyo.”
- Ako’y tumanda na hindi tumitikim ng alak. Pero tuwing lalabas ako, pupunta sa mga pistahan at salu-salo, napakaraming matatandang lasenggo. Parang gusto ko nang maniwala na mas maraming matandang lasenggo kaysa matandang doktor. Iniisip ko tuloy, hindi kaya nakapagpapahaba ng buhay ang alak?
- Sabi nila “wisdom comes with age,” palagay ko hindi palaging ganoon. Ang damuhong kapitbahay ko, na saksakan ng kulit, palagay ko ay dinatnan ng age pero walang kasamang wisdom. Pag nagsasalita siya, nalulungkot akong isipin na siya ang produkto ng milyong taong evolution ng tao.
- Sana ay puwedeng humaba ang buhay nang hindi ka tumatanda. Pero hindi talaga ganoon reglamento. Para na rin yong kakilala ko dyan na ibig mapunta sa langit pero ayaw namang mamatay.
- Maraming natutuwa na tumanda sa piling ng maraming anak; ngunit marami rin ang mabilis na tumanda dahil sa dami ng mga anak, lalo kung puro konsumisyon.
- Kung alam kong hahaba nang ganito ang buhay ko, sana’y inalagaan ko ang katawan ko.
- Ang masarap sa tumatanda ay nakapagbabakasyon ka kailan man at saan man gustuhin. Ang problema lamang sa pagbabakasyon, unang nauubos ang lakas kaysa pera.
- Alam kong matanda na ako nang tumigil na ako kase-sermon sa mga anak ko at sila naman ang nagsimulang mag-sermon sa akin.
- Ayon sa doktor, tatlo raw ang mabisang palatandaan ng pagtanda: una, ang pagkawala ng memorya, ang pangalawa’t pangatlo ay hindi ko na matandaan.
- Hindi naman ang pagkakaroon ng maraming apo ang nagpapaalala sa akin ng katandaan ko kundi ang katotohanang asawa ko ang lola nila.
- Ang antique nang tao ay dapat mas mataas ang value kaysa antique furniture, di ba?
- Matanda ka na pag ang magandang dilag na nginitian mo ay lumapit sa iyo at nagmano.
- May nagtanong: Kung bigyan ako ng pagkakataong ulitin ko ang buhay ko, ganoon din ba ang gagawin ko? Siyempre, ayoko nang ulitin ang mga pagkakamali ko noon. At alam ko na ring gawin ang mga hindi ko nagawa noon. Alam ko na kung paano pumasa sa bar exams, manalo sa eleksiyon, at makapag-asawa ng Miss Universe! I-re-rewind ang panahon, pagkatapos bibigyan ako ng chance na ulitin ang buhay ko? Sure! Anytime! Let’s go! May listahan ako dito, alam ko na ang mga tatayaan kong mga number sa lotto!
- I-re-rewind ang panahon, pagkatapos bibigyan ako ng chance na ulitin ang buhay ko? Sure! Anytime! Let’s go! May listahan ako dito, alam ko na ang mga tatayaan kong mga number sa lotto!
- Alam mo, humahanga ako sa kagandahan ng matatandang dilag. Ang magandang bata kasi ay aksidente lang ng kalikasan; ngunit ang magandang matanda ay habambuhay na obra-maestra ’yan.
- Ang maganda sa tumatanda, habang nagbabago ang mukha mo ay patuloy ding lumalabo ang mata mo, kaya okay lang pag tumingin ka sa salamin. Huwag ka lang magsusuot ng salamin.
- Hindi ko na kasama sa pagtulog ang ngipin ko. Hindi na rin pinakikinggan ng Misis ko ang sinasabi ko pag tulog ako.
- Maidlip lang ako sa rocking chair, pinupulsuhan ako ng anak ko, tinitiyak kung buhay pa ako.
- Noong bata pa ako, palagi kong inaalala kung ano ang sasabihin ng mga tao tungkol sa akin. Pagtanda ko saka ko nalamang ni hindi pala ako pumasok sa isip nila.
- Alam kong tumatanda na ako nang hindi ko na kayang magtali ng sintas ng sapatos at hinihingal na pag nagpupunas ng puwet.
- Ang nakatutuwa sa tumatanda, puwede kan nang maging makulit dahil alam mong pagpapasensyahan ka.
- Pag nalaglag ang maintenance medicine ay iisipin mo na muna kung ano pa ang puwede mong gawin habang nakadapa sa sahig. Minsan, naglatag muna ako ng kumot bago dumapa, ayon naidlip na ako doon.
- Mas madali kang makatulog kung nakaupo kaysa kung nakahiga.
- Pag tumanda ka ay lumuluwag ang pagitan ng mga ngipin, kaya natitinga ka kahit sa kapirasong barbecue; mabuti na lang puwede mo na ring gawing toothpick ang barbecue stick.
- Biyudo ako’t biyuda rin siya nang magkaigi kami ng usapan sa isang kapehan. Ilang ulit kaming nagtagpo doon, hanggang di ko na napigil, nagtapat ako ng pag-ibig sa kanya. Problema ko lang, kinabukasan di ko matandaan kung ano ang isinagot niya sa akin. Kaya tinawagan ko sa cellphone. “Sorry,” sabi ko, “nagtapat ako sa ‘yo kahapon ng pag-ibig, di ko matandaan kung ano ang isinagot mo.” Sagot niya, “Ay, mabuti’t tumawag ka, may sinagot nga ako kahapon…pero di ko rin matandaan kung sino’ng kausap ko…”
Header image: A group of senior citizen friends (credit: Manila Bulletin)
Kun Nata Warang Demonyo sa Malabog | Abdon Balde Jr. (available from Shopee)

Book Review by Kristian Sendon Cordero: WHY THE DEVIL DOES NOT VISIT MALABOG ANYMORE & other folk tales
“The tale is about the devil who shall never return to Bikol because it was trembling with fear. The Bikolanos are amused to tell the story because it carries the wit of Juan, he who always outwit others but is never outwitted, who is poor in life, but has always been able to set himself free but soon returns again to his perilous life. He and us are the Bikol heroes featured in this collection of works by Abdon M. Balde Jr, one of the most influential and prolific writers who come from our midst.
.”In his retelling this story in three languages, Balde proves that stories must move through different abodes, linger in different tongues in order to stay alive in our memories. I ask: What death would come to those who eat the devil? Could we do this as well to those who are power-hungry—oust them and never allow them again to return to power? What beauty could rival the precautious enchantment of the volcano, the zenith of all zeniths? What hope could we muster in the stories of Baltog and Sarikaw?
“The virtues of this project are many, but most of all, for me, is the reality that in the retelling, writing and translating of his stories in Filipino and in English, Balde invites others to the world of Bikolanos and gives us, his kinsmen, a solid basis for his stories to be collected, treasured, revised, deconstructed or revered like the fire stolen by Aswang.”
