Isang mensahe na nagbibigay inspirasyon ni Coach Noli Ayo sa Davao del Sur Division Athletic Meet na ginanap noong 9 Disyembre 2025 sa Santa Cruz, Davao del Sur. Unang lumabas sa medium.com publication, 10 Disyembre 2025.
Ngayong 2025, halos 23 years na po ang aking paglalakbay sa sports. Nagsimula ako bilang isang basketball coach sa Bicol, sa Naga City sa Ateneo de Naga University. 2003 to 2013, isang dekada bilang basketball coach. Maraming beses na nanalo ng championships, at marami ding beses na nakaranas ng mapait na pagkatalo sa laro at sa Finals.

Nung 2013, naimbitahan ako na lumipat sa Davao City para maging University Athletics Director ng Ateneo de Davao University. Halos sampung taon din ako sa Ateneo de Davao. Nuong June 2023 to June 2025, naging Mindanao Coordinator din po ako ng Philippine Sports Commission.
Ngayon, ako ay kasalukuyang Assistant to the President for Sports and Development ng Lyceum of the Philippines University — Davao.
Sa higit na dalawang dekada ko sa larangan ng sports , madami dami na rin ang naging karanasan ko dito — kung bibigyan ko ng deskripsyon ang sports, masasabi ko na ito ay isang dagat.
Ang sports ay isang dagat. Ito ay malawak, ito ay malalim, ito ay may alon.
Hayaan nyo akong mabigyan ng linaw ito sa mga susunod na ilang minuto.
ANG SPORTS AY DAGAT. ANG DAGAT AY MALAWAK. ANG SPORTS AY MALAWAK DIN.
Sa mga susunod na araw, lahat na paghahanda nyo sa lumipas na ilang buwan ay masusubukan.
Nasala na kayo. Napagpilian. Kayo lahat dito ay nakaranas na ng pagkapanalo sa inyong mga municipal meets. Naranasan nyo na ang initial pressure ng paglalaro — simula ngayong araw, mas mataas at malakas na pressure ang sigurado kong mararamdaman nyo.
Nung nanalo kayo sa inyong mga municipal meets — nabigyan kayo ng pagkakataon na lumawak ang inyong mundo. Dinala kayo ng sports dito — mas marami ang manlalaro, mas mahirap ang inyong mga makakaharap, mas magaling at mas malawak ang karanasan na maibibigay nito sa inyo.
Huwag nyong sayangin ang lawak ng karanasan na ibibigay sa inyo sa susunod na mga araw.
Sa mga atleta, sikapin nyo na may makilalang ibang manlalaro galing sa ibang lugar. Sa mga coaches, hanapin ang mga kapwa nyo coaches na nakilala nyo na sa mga naunang meets at DavSurDAA. Balikan ang inyong nabuong pagkakaibigan at muli itong palakasin. Baka kayo ay magsama muli sa mas malawak na DAVRAA na gaganapin sa Tagum next year. O kaya naman sa mas malawak pang Palarong Pambansa na gaganapin sa Agusan del Sur.
Sa mga sports officials na nandito, sana magtipon tipon kayo, makapag kape, at pag usapan kung paano mas makakahanda lalo ang ating DavSur delegation sa mas malawak na DAVRAA.

Ang paghahanda ay hindi lang dapat sa kakayahan maglaro. Ang paghahahanda ng isipan ay kasing halaga. Sa mga sports leaders na nandito, sikapin angatin ang standards na meron ang DAVSURDAA sa sports. Magkaroon ng regular na coaches training at development. Mahalaga ito.
Kung ang sports ay dagat — ang teams ay ang mga barko. At ang mga kapitan nito ay ang inyong mga coaches. Madadala lamang ng mga kapitan ang kanilang barko sa mga lugar na alam nila. Ganun din ang coach — madadala lamang nya ang kanyang team sa mga karanasan at pananaw na alam nya. Kung ang pananaw at kakayahan nya ay kulang at hindi sapat, kulang at hindi sapat din ang maituturo nya sa mga atleta ng DAVSURDAA.
Sa mga DavSurDAA coaches at officials, ang dagat ng sports ay malawak. Gawin ang makakaya na makita ang lawak nito. Ito ay ikabubuti nyo at ng Davao del Sur. Ito rin ay ikabubuti ng Mindanao.
ANG SPORTS AY ISANG DAGAT. ANG DAGAT AY MALALIM. ANG SPORTS AY MALALIM DIN.
Sa susunod na mga araw, huhugot kayo sa lalim ng inyong karanasan. Ang tapang nyo ba ay sapat na? Ang galing nyo ba ay tama na? Meron ka pa bang maipapakita? Meron ka pa bang maibibigay?
Sa mga magagaling na atleta at coaches ng Davao del Sur — para malaman nyo ang sagot sa mga katanungan na ito, kailangan nyo ang sumisid sa sarili nyo at hanapin kung may lakas ka pa bang naitatago matapos ang pagkapanalo ninyo sa inyong mga municipal meets.
Ang DAVSURDAA ay dagat na malalim. Ang mananalo dito ay yung mga atleta at coaches na may galing at tapang na sumisid ng mas malalim sa kanyang pagkatao — naibigay mo na ang lahat? naibigay mo na ba ang dapat? naibigay mo na ba ang sapat? naibigay mo na ba ang nararapat?
Sa mga atleta, may lalim pa ba kayong naitatago? Sisid pa sa iyong kakayahan. Mayroon pa yan natatagong galing at tapang. Ang sino sa inyo ang makakagawa nito, siya / sila ang pupunta sa DAVRAA.
Sa mga coaches — may lalim pa ba ang mga salita nyo. Higit sa galit at frustration na ilalabas nyo, sikapin na mas marami ang mga salitang mag papalakas sa mga atleta nyo. Humugot pa sa lalim ng inyong mga salita — words of encouragement, words of inspiration, words of comfort — kailangan ito sa mga susunod na araw.
Tandaan — mas marami ang hindi mananalo sa DavSurDAA. Subalit, yung matatalo ay kasing halaga lang din ng mga mas konting mananalo. Sikapin na gabayan yung mga matatalo na patuloy na mangarap at mag ensayo para sa susunod na pagkakataon.
Words of Encouragement, words of Inspiration, words of Comfort — sikapin na makuha ito sa lalim ng inyong karanasan, mga coaches ng DavSurDAA.
ANG SPORTS AY ISANG DAGAT. ANG DAGAT AY PUNO NG ALON. ANG SPORTS AY MAY ALON DIN.
Ang DavSurDAA ay parang paglalakbay sa dagat. Sa simula, madali at kaya pa ang kompetisyon. Subalit, habang tumatagal, mas gumagaling ang iyong nakakaharap at nagiging mahirap ang laban. Lumalakas ang alon.

Ang mga mananalo ngayong taon ay yung pinakahanda na humarap sa alon. Yung mananalo sa DavSurDAA ay yung may tapang na harapin ang alon at may kakayahan na pagdaanan ito.
Ang dagat ng sports ay puno ng alon. Maging handa na harapin ito. Ang mga nagwawagi ay yung mga matatapang na humarap sa mga alon.
Ang alon ang magpapalakas sa inyo. Ang alon ng DavSurDAA ang maghahanda sa inyo sa mas malaking alon na naghihintay sa DAVRAA at sa Palarong Pambansa.
Kaya ang tanong ko sa inyong lahat ngayon — HANDA BA KAYONG HARAPIN ANG ALON? (Sigaw nyo sagot nyo!)
At sa pagtatapos ko, muli ko pong sasabihin sa inyo –
ANG SPORTS AY ISANG DAGAT. ITO AY MALAWAK, ITO AY MALALIM, ITO AY MAY ALON.
Ang dagat na ito ay walang pinapanigan. Hindi ang mayaman, hindi din ang mahirap. Hindi din ang private school o hindi din ang public school. Hindi din ang may magandang uniform o hindi din ang may simpleng uniform.
Ang dagat na ito papanig lamang sa sinumang may tapang na harapin ang lawak, lalim at ang mga alon na naghihintay. Papanigan nito yung may pinaka buong puso na pumunta sa gitna nito para hanapin ang mas malawak na karanasan. Pinapanigan nito ang tao na may kakayahan na sisirin ang lalim ng kanyang kakayahan bilang atleta at coach — para mas malaman pa kung ano ang kaya niyang maibigay. Higit sa lahat, ang pinapanigan nito ay yung mga atleta at coaches na haharap at sasalubong sa alon gaano man kalakas at kataas ito.
Ang mga mananalo sa DavSurDAA ay yung sasalubong sa mga alon. Sila ang papanigan ng Dagat na tawag natin ay Sports.
Ang tanong, ikaw ba yun? Kayo ba yun?
ANG SPORTS AY DAGAT — MALAWAK. MALALIM. MAY ALON.
Ang featured header photo ay ang mga sumaling atleta at opislayes ng 2025 Davao del Sur Division Athletic Association (DavSurDAA) Meet na naganap sa Sta. Cruz, Davao del Sur (credit: DepEd Davao del Sur)
Tungkol sa May‑Akda
Isang mapanlikhang visionary at storyteller na nagbibigay‑inspirasyon si Coach Noli Ayo ay naniniwalang ang sports, kapag napunta sa tamang mga kamay, ay may kapangyarihang baguhin ang mundo. Siya ay isang published writer sa pamamagitan ng mga librong Winning Still at The Mindanao Peace Games.

Bilang isang kinikilalang lider sa larangan ng sports sa Pilipinas, siya ang nagtatag at convenor ng Mindanao Peace Games, Assistant to the President for Sports and Development ng Lyceum of the Philippines University para sa mga campus nito sa Davao, Batangas, at Laguna, at Mindanao Coordinator ng Philippine Sports Commission.
Si Emmanuel Rene “Noli” S. Ayo ay panganay na anak ng dalawang Ateneo de Naga alumni—si Ramon Nonito Ayo (ADNU HS 1974) at Asela San Andres (ADNU College 1982).
